6 suspek sa ambus, kinasuhan
Sinampahan ng kaukulang kaso ang anim na miyembro ng grupong Revolutionary Proletariat Army – Alex Boncayao Brigade (RPA-ABB) na sinasabing sangkot sa ambus sa sasakyan ng isang opisyal ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na ikinasawi ng drayber nito at sugatan naman ang 14-anyos nitong anak na lalaki sa bayan ng San Pedro, Laguna noong Lunes ng Pebrero 2.
Kabilang sa mga suspek na kinasuhan sa San Pedro Prosecutors Office ay sina Chivas “Sniper” Gerona, Mateo “Popok” Crisanto at si Jessie Oro na pawang kasapi ng RPA-ABB, na sinasabing tumiwalag na sa mga rebeldeng New People’s Army.
“They were positively identified by the witnesses through police files,” pahayag ni P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director.
Lumilitaw sa imbestigasyon na si MMDA Sidewalk and Clearing Operations chief Roberto “Bobby” Esquivel, ang target ng mga suspek na ikinasugat ng kanyang anak na si Mico habang namatay naman ang driver na si Johnny Agbay.
Kaugnay nito, nagdispatsa na ng pangkat ng tracker ang pulisya sa Metro Manila, Southern Luzon at Central Luzon para tugisin ang iba pang suspek kung saan naunang nadakip si Gerona. Joy Cantos
- Latest
- Trending