SAN JOSE CITY, Nue-va Ecija – Inaprubahan na ng lower house sa ikatlo at final na pagbasa ang panukalang batas na ang mga maralita na kinasuhan ay hindi na kinakailangang magpiyansa sa korte.
Ito ang nilalaman ng House Bill No.5523 na isinulong ni Rep. Joseph Gilbert Violago ng 2nd district ng Nueva Ecija.
Nakasaad sa panukalang batas na kung ang kinasuhan ay nasa below poverty line at hindi nito kakayanin na magbayad ng piyansa ay automatikong ikokonsidera ng korte na siya ay makalaya.
Kikilalanin din ang naturang panukala bilang Poor Litigants Equalization Act of 2008 na siyang mag-e-exempt sa mga mahihirap na magbayad ng piyansa kung ang kaso ay mayroong kaparusahang pagkakulong nang hindi hihigit sa anim na taon.
Pansamatalang makakalaya lamang ang akusado na walang pagbabayad ng piyansa, subalit kinakailangan sumunod ito sa ipapataw na kondisyon ng korte. (Christian Ryan Sta. Ana)