Ambush: Drayber ng MMDA official dedo
CAMP VICENTE LIM, Laguna – Karit ni kamatayan ang sumalubong sa driver ng opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) samantalang sugatan naman ang 14-anyos nitong anak makaraang tambangan ng mga ‘di-pa nakikilalang kalalakihan sa bayan ng San Pedro, Laguna kahapon ng umaga.
Kinilala ni P/Senior Supt. Manolito Labador, Laguna police director, ang napatay na si Johnny Agbay Dilao, driver ni MMDA Sidewalk Clearing Operations Group head Roberto “Bobby” Esquivel.
Nasa Asian Hospital naman ang nasugatang si Panager Mico Esquivel, anak ni Bobby Esquivel.
Ayon sa police report, ihahatid na sana ni Agbay si Mico sa San Agustin College sakay ng Mitsubishi Pajero (XSX-250) nang umalingawngaw ang sunud-sunod na putok ng baril sa panulukan ng Balagtas at Juan Luna Street sa Crysanthemum Village, Barangay San Vicente bandang alas-6:30 ng umaga
Sa inisyal na ulat, posibleng puntirya ang matandang Esquivel dahil sa mga narekober na leaflets sa crime scene na kinokondena ang mga clearing operation sa mga illegal vendor at squatter
“Siguro ang alam ng mga suspek ay sakay si Bobby (Esquivel) sa kanyang Pajero kaya ito niratrat,” paliwanag ni Labador
Mabilis na nakatakas ang mga suspek sakay ng dalawang traysikel na narekober naman may ilang kilometro ang layo sa crime scene habang iniimbestigahan ang traysikel drayber na ginamit sa krimen.
“Posibleng makakaliwang grupo ang may kagagawan ng krimen dahil na rin sa nakitang mga leaflet sa area,” dagdag pa ni Labador.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad. (Arnell Ozaeta, Joy Cantos, Ed Amoroso, at Rose Tamayo)
- Latest
- Trending