CAMP VICENTE LIM, Laguna – Dalawa sa anim na mag-aaral na sinasabing nagkayayaang mag-swimming sa ilog ang iniulat na nalunod noong Biyernes ng tanghali sa bayan ng Calauan, Laguna.
Natagpuan may ilang metro lamang ang layo sa pinaglanguyan ang katawan ng mga biktimang sina Noriel Toyor, 10, grade 1; at Ian Patrick Bunilas, 10, grade 3 na kapwa mag-aaral sa San Marcos Elementary School at residente ng Barangay San Mateo, San Pablo City.
Sa police report na naka rating kay P/Senior Insp. Anthony Gantang, lumilitaw na nagtungo ang magka-kaklase sa Kipot River sa may Barangay Imok para kumuha sana ng ube at kuhol.
Habang nangunguha ng ube at kuhol ang mga mag-aaral, humiwalay sina Toyor at Bunilas para mag-swimming sa malalim na bahagi ng ilog hanggang sa tangayin ng malakas na agos kung saan namataan pang kumakaway para humingi ng tulong hanggang sa tuluyan lamunin ng tubig. Arnell Ozaeta