Isang 45-anyos na midwife na si Elizar Gomera ng Calle Onse, Lamitan, Basilan ang iniulat na nawawala mula pa noong Miyerkules at pinangangambahang dinukot din ng bandidong Abu Sayyaf. Sinasabi ni Nick de Castro ng Lamitan City Health Office na merong tumawag sa kanila na nagpahiwatig na hawak ng mga ito si Gomera. Iniimbestigahan ng pulisya kung isa rin itong kasong kidnapping. (Joy Cantos)
Principal kinasuhan
Isinampa kahapon ng Department of Environment and Natural Resources sa Olongapo City Prosecutor’s Office ang kasong paglabag sa Presidential Decree 953 laban sa principal ng Zambales National High School na si Ellen Agabao dahil sa umano’y iligal na pagpapaputol nito sa 12 punongkahoy sa loob ng naturang paaralan noong Enero 13. (Angie dela Cruz)
Misis inambus
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Todas ang negosyanteng ginang na si Lorna Laurio, 45, habang sugatan ang driver nito na si Teddy Abada, 44, nang tambangan ng mga ‘di kilalang holdapers dakong alas-6:30 ng umaga kahapon sa Brgy Biyong, Masbate City. Nang makuha na ang pakay ay pinagbabaril pa ng mga suspek ang sasakyan ng biktima ngunit nagawa pa rin ni Abada na makatakas kahit pa sugatan. (Ed Casulla)
Resto ninakawan
RIZAL — Isang booth ng Kowloon house sa KM 23 Ortigas Avenue Extension, Barangay San Isidro, Taytay, Rizal ang hinoldap ng tatlong armadong lalake at natangayan ng halagang P10,000 kita nito kamakalawa ng hapon. (Ricky Tulipat)