Himas rehas ang isang bagitong pulis makaraang mamaril sa isang police aide habang nasa impluwensya ng alak kamakalawa ng gabi sa Barangay San Roque, Antipolo City.
Kinilala ang suspek na si PO1 Ethelberto Castro, 38, nakatalaga sa Eastern Police District at residente ng Phase II Brgy. San Roque.
Suwerte namang hindi tinamaan ng bala ang biktimang si Noel Leonen, police aide ng Regional Intelligence Group ng Region 4.
Sa ulat, naganap ang pamamaril dakong alas-7:30 ng gabi matapos na makasalubong ng biktima ang suspek na lango sa alak at hawak ang kanyang 9mm na service firearm.
Bigla na lamang umanong itinutok ng suspek ang hawak nitong baril sa biktima na ikinabigla nito at nang maramdamang hindi nagbibiro ang una ay agad itong tumakbo habang pinapaputukan ito ng suspek.
Agad na nakahingi ng tulong sa himpilan ng pulisya ang mga nakakita sa insidente na mabilis namang rumesponde.
Hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin siya ng kanyang mga kabaro. (Edwin Balasa)