Magulang at kapatid tinodas ni mister
Batangas City – Pinaniniwalaang nawala sa tamang pag-iisip ang isang 23-anyos na mister nang pagsasaksakin niya ang kanyang mga magulang at mga kapatid bago siya nagpakamatay sa San Pascual, Batangas kahapon ng madaling-araw.
Ayon kay Senior Superintendent Jesus Gatchalian, Batangas police director, gamit ang isang kitchen knife, tinadtad ng saksak ni Uriel Malabanan ang kanyang 50-anyos na inang si Rosa at ang step-father na si Diego Dimaunahan, 60 habang mahimbing na natutulog sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Palasahingin bandang alas-4:00 ng umaga.
Kasunod nito, binalingan naman ni Uriel ang kanyang mga kapatid na sina Angelo, 16 at ang half-sister nitong si Desiree Dimaunahan, 9 na kasalukuyang ginagamot sa Bauan Doctors Hospital.
Ilang saglit pa, nagawa namang magpakamatay ni Uriel sa pamamagitan ng pagsaksak sa kanyang sarili.
Napag-alaman sa ginawang imbestigasyon ng mga awtoridad na posibleng nawala sa katinuan si Uriel matapos hiwalayan ng kanyang asawa at hindi ito matanggap sa inaaplayang trabaho sa Saudi Arabia.
“Mukhang hindi na niya kinaya ang patung-patong na problema kaya siguro nabaliw na siya at pinag-initan na ang mga kaanak,” anang imbestigador ng kaso.
- Latest
- Trending