Bisor sa Hanjin pisak sa forklift
SUBIC BAY FREEPORT – Hindi pa nareresolba ang pagkamatay ng isang 19-anyos na obrero noong Biyernes sa Subic Bay, isa na namang supervisor na Koreano ang iniulat na nasawi makaraang masagasaan ng forklift sa loob ng shipyard ng Hanjin Heavy Industries Corporation-Phils. sa Subic, Zambales, kahapon ng madaling-araw.
Halos mapisak ang katawan ng biktima na si Choi Dong Baek, 51, supervisor ng assembly shop C sa HHIC-Phils.
Samantala, isinailalim na sa imbestigasyon ng pulisya ang drayber ng forklift na si Menti Dacana.
Sa ulat na nakarating kay SBMA administrator and chief executive officer Armand Arreza, naitala ang insidente bandang alas-12:30 ng madaling-araw kung saan pinababalik na ng biktima ang mga trabahador sa trabaho matapos maglaro ng basketball.
Napag-alamang pinatatanggal ni Baek ang ginawang basketball ring ng mga trabahador hanggang sa ‘di-napansin ng drayber ng forklift ang biktimang yumuko para pulutin ang bola kaya naatrasan ito at napisak.
Si Baek ay ika-19 na kawani ng HHIC-Phils. na naitalang namatay simula nang magsimula ang operasyon ng shipyard sa nabanggit na lugar.
Magugunita na noong Biyernes ay nasawi ang isang 19-anyos na Pinoy worker na si Raldon del Rosario matapos bumigay ang kadena at mabagsakan ng 800 kilong metal door na ikinakabit sa bahagi ng shipyard. Sugatan naman si Camalio Buchie, 24 matapos mahagip ang kanyang hita. Sa tala ang Hanjin, si del Rosario ay ika-18 nasawi sa job site subalit sa tala ng People’s Task Force Hanjin, lumilitaw na 40-trabahante na ang namamatay kabilang na ang namatay sa malaria. Dagdag ulat ni Danilo Garcia
- Latest
- Trending