OLONGAPO CITY – Nalalagay sa balag ng alanganing makasuhan at masibak sa pagka-principal ng Olongapo City National High School makaraang ireklamo dahil sa pagpuputol ng 13-centuries old na punongkahoy na walang kaukulang permiso sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa campus ng nabanggit na eskuwelahan.
Ayon kay Relly Javier, pangulo ng Steward and Vanguard of the Earth (SAVE) Movement, Olongapo City chapter, dapat managot ang principal na si Ellen Agabao sa mga punongkahoy na narra at mahogany na pinagpuputul-putol nang walang pahintulot mula sa lokal na ahensya ng Department of Environment and Natural Resources.
“Hindi ba’t itinuturo sa mga mag-aaral na igalang at protektahan ang kalikasan at kapaligiran? Guro pa naman siya at naturingang principal subalit siya pa ang nagpapakita ng masamang ehemplo sa kanilang mga estudyante,” dagdag pa ni Javier.
Sinabi pa ni Javier na dapat kasuhan ng DENR ang mga taong responsable sa pambabastos ng kali kasan, at patawan ng administrative charge ng Department of Education si Agabao.
“Maituturing na buhay na bantayog ng paaralan ang mga pinutol na punongkahoy,” pahayag naman ni Dr. Art Mendoza, director ng James L. Gordon Memorial Hospital at miyembro ng OCNHS Alumni Association.
“Malaking bahagi sila ng pang-araw araw na karanasan namin noong hayskul. Kapag mainit ang panahon ay madalas pa nga kaming magklase sa lilim ng mga punong iyon. Sayang at hindi na sila aabutan ng mga susunod pang henerasyon ng mga mag-aaral ng OCNHS,” pagbabalik-tanaw ni Dr. Mendoza. Alex Galang