NUEVA ECIJA – Rehas na bakal ang binagsakan ng isa sa dalawang suspek sa pagpaslang sa pangulo ng Association of Barangay Captains makaraang masakote ng pulisya sa bisinidad ng Brgy. Bertese sa bayan ng Quezon, noong Miyerkules ng umaga. Sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Celso Baguio ng Gapan City Regional Trial Court Branch 34, inaresto ang suspek na si Leonilo “Nilo” Sarmiento, 36, ng Brgy. San Miguel. Ayon kay P/Senior Supt. Ricardo T. Marquez, si Sarmiento ay sinasabing kasabwat ni Virgilio Domingo, na nakapatay kay Chairman Renato Fermin noong Oktubre 23, 2008 sa bisinidad ng Brgy. San Jose sa bayan ng Jaen. Si Domingo ay naunang nasakote ng pangkat ni P/Supt. Edgar Alan Okubo ng 307th Provincial Mobile Group, noong Linggo sa Cabanatuan City. Christian Ryan Sta. Ana
2 holdaper kalaboso
BULACAN – Dalawang kalalakihan na naaktuhan sa panghoholdap sa mag-asawang trader ang nasakote ng pulisya sa bisinidad ng Brgy. Muzon sa San Jose Del Monte City, Bulacan kamakalawa. Pormal na kinasuhan ang mga suspek na sina Ranilo Marijuan, 32; at Ricardo Azuelo, 35, kapwa residente ng Blk 29, Lot 24, San Vicente Homes sa Brgy. San Vicente, Sta. Maria, Bulacan. Sa police report na nakarating kay P/Supt. Danilo Florentino, tiyempuhan ng mga suspek na magsasara ng tindahan ang mag-asawang Greg Lapig at Dioliza Lapig 40. Subalit nanlaban ang mag-asawa kaya nakatawag ng pansin sa nagpapatrolyang pulis kaya nadakip ang mga suspek. Romeo “Boy” Cruz
Mag-amang Abu nadakip
Nalambat ng tropa ng militar ang mag-ama na sinasabing miyembro ng grupong bandidong Abu Sayyaf na sangkot sa pagpatay sa paring Katoliko sa Tawi-Tawi noong Enero 15, 2008, ayon sa opisyal kahapon. Kasalukuyang nasa kampo ng militar sa Zamboanga City ang mag-amang Ahmad Kuhutan at Kursid Kuhutan na nasakote noon pang nakalipas na linggo pero kahapon lamang inianunsyo ang militar sa mga mamamahayag. Ayon sa regional Army spokesman na si Lt. Steffani Cacho, ang mag-ama ay kapwa sangkot sa tangkang pagdukot at pagpatay kay Fr. Rey Roda na sinasabing pumalag sa mga kidnaper kaya pinagbabaril matapos salakayin ang Notre Dame High School sa ilalim ng superbisyon ng Mary Immaculate Church sa South Ubian, Tawi-Tawi. Joy Cantos