Panibagong paghahasik ng lagim ang ikinalat ng mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front makaraang sunugin ang apatnapung kabahayan sa dalawang barangay sa bayan ng Kalamansig, Sultan Kudarat kamakalawa.
Ayon kay Army’s 6th Infantry Division spokesman Col. Julieto Ando, ang sinunog na mga kabahayan ay sa bahagi ng mga Barangay Sangay at Paril bilang paghihinganti ng mga rebelde sa mga isinaga wang operasyon ng militar.
Bunga nito, namamayani pa rin ang takot ng mga residente na magsibalik sa kanilang mga tahanan kung saan tumaas pa sa mahigit sa 7,000 ang bilang ng mga evacuees na nagsilikas sa nabanggit na bayan.
Nagmistulang ghost town ang dalawang barangay matapos na lisanin ng mga residente ang kanilang tahanan sa takot na madamay sa pag-atake ng mga MILF.
Kaugnay nito, pinalakas pa ng tropa ng militar ang opensiba upang mapigilan ang mga patraydor na pananalakay ng mga rebelde. Joy Cantos