2 pugante balik-selda
KIDAPAWAN CITY – Dalawa sa preso na sinasabing pumuga sa Amas Provincial jail noong Pebrero 2, 2007 ang naaresto ng mga awtoridad noong Sabado sa bayan ng Kabacan, North Cotabato.
Kinilala ni P/Insp. Gerard Hernandez ng Kabacan PNP, ang mga puganteng sina Larry Antelino na may dalawang kaso ng droga at Simplicio Tomboc ng Barangay Tungol sa Datu Montawal, Maguindanao.
Sina Antelino at Tomboc ay isinasangkot sa holdapan noong Sabado ng hapon kung saan nalimas ang mga cell phone at malaking halaga ng mga biktimang sina Bernard Galvez at Joseph Bermudez, na hinarang ng mga suspek sa Lapu-Lapu Street sa Poblacion.
Agad naman naipaabot sa kinauukulan ang insidente kaya nadakip ang dalawa sa isinagawang follow-up operation kung saan may ilang oras din nagkahabulan.
Napag-alamang naunang nasakote ng mga tauhan ni P/Supt. Alex Tagum ang puganteng si Noel Pedtamanan sa bayan ng Kabacan noong Huwebes. (Malu Cadelina Manar)
- Latest
- Trending