Dalawang araw matapos na dukutin, pinalaya na ang isang 20-anyos na dalagang estudyante ng Ateneo de Zam boanga University sa Zamboanga City, kahapon. Sa ulat ng Zamboanga City PNP na isinumite sa Camp Crame, nakapiring pa ang mga mata, nakagapos ang mga kamay at nakasuot pa ng school uniform nang matagpuan bandang alas-11 ng umaga ng traysikel drayber sa Roseller Lim Blvd. ang biktimang si Jenny Manalo ng Brgy. Putik. Sa salaysay ng biktima sa pulisya, dinukot siya ng mga armadong kalalakihan na Yakan (lenguwahe ng Muslim) ang salita noong Huwebes matapos siyang puwersahang isakay sa van habang naglalakad patungo sa kanilang unibersidad. Ayon sa opisyal, hindi nila itinuturing ang insidente bilang isang kaso ng kidnap-for-ransom dahil walang hininging ransom ang mga kidnaper kapalit ng pagpapalaya sa estudyante. Joy Cantos
Inhinyero itinumba
BULACAN – Isang 50-anyos na inhinyero ang iniulat na napaslang makaraang ratratin ng di-kilalang lalaki sa Barangay Bulihan, Malolos City, Bulacan kamakalawa. Tatlong bala ng baril ang tumapos sa buhay ni Carlito Cruz ng Phase 2, Block11, Lot 32, Magnolia Street, Grand Royal Subd. sa nabanggit na barangay. Base sa police report, nagpapahangin ang biktima sa harapan ng kanyang bahay nang maganap ang pamamaslang. Sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya, ang motibong may kinalaman sa pagiging kontratista ng biktima sa nabanggit na lugar. Romeo “Boy” Cruz
Shootout: 2 holdaper utas
CABANATUAN CITY – Dalawa sa tatlong kalalakihan na sinasabing notoryus na holdaper ang napatay sa pakikipagbarilan sa mga alagad ng batas sa bisinidad ng Purok 4, Barangay Sapang sa Cabanatuan City, Nueva Ecija noong Biyernes ng gabi. Kinilala ni P/Supt. Eliseo Cruz, hepe ng Cabanatuan PNP, ang dalawa na sina Anthony Palencia, 30, ng Barangay Sapang at isang alyas Ferdie ng Jaen, Nueva Ecija. Base sa police report, hinoldap at pinatay ng mga suspek ang vegetable dealer na si Luisito Gonzales sa Barangay Concepcion. Sa follow-up operation natunton ang grupo ng mga holdaper na humantong sa shootout Narekober ang dalawang baril at motorsiklo na ginamit ng grupo.Christian Ryan Sta. Ana