ANTIPOLO CITY, Rizal – Napatay ang isang 18-anyos na anak makaraang saksakin ng sariling ama na nagdilim ang isip dahil sa pagsagot ng pabalang sa kanya kamakalawa ng hapon sa Barangay Sta. Cruz, Antipolo City, Rizal.
Kinilala ni P/ Supt. Raul Bargamento, hepe ng pulisya, ang biktimang si Mike Egay, samantalang naaresto naman ang suspek na si Manuelito Egay, 40,kapwa residente ng Sitio Maria Corazon 3, sa nabanggit na barangay.
Ang biktima ay nagtamo ng saksak sa kanyang tiyan at namatay habang ginagamot sa Amang Rodriguez Medical Center.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng hapon sa loob ng tahanan ng mag-ama.
Nabatid na kinakausap ng suspek ang kanyang anak dahil sa kasalanan nito subalit sa halip na sumunod ay pabalang na sumagot.
Dahil sa hindi kayang suwetuhin ang anak at lumaban pa ng suntukan ay kumuha ng patalim ang matandang Egay at inundayan ng saksak sa tiyan ang tinedyer.
Kasong parricide ang isasampang kaso laban sa suspek na sinasabing nabigla lang ito sa nagawang krimen dahil sa ginawang pagsagot ng pabalang ng kanyang anak. Edwin Balasa