LEGAZPI CITY, Albay – Nakaligtas sa karit ni kamatayan ang gobernador ng Masbate makaraang puntiryahin ng pampasabog ng mga rebeldeng New People’s Army, kahapon ng umaga sa bahagi ng Barangay Gahit sa bayan ng Cataingan. Isinugod sa ospital si Governor Elisa Olga Kho matapos na magtamo ng sugat sa kilay sanhi ng nabasag na windshield ng kanyang sasakyan. Nabatid na si Kho ay asawa ni Rep. Antonio Kho. Sugatan din ang security escort ng opisyal dahil sa pagsabog at nasa ligtas na ring kalagayan. Sa inisyal na ulat ng pulisya, pasado alas-11:30 ng umaga nang maganap ang insidente kung saan patungong Masbate City ang nasabing opisyal. Sa kabila ng pagsabog, mabilis na napasibat ng driver ni Kho ang sasakyan kaya nakaligtas sa posibleng kasunod na pag-atake. (Ed Casulla)
Holdaper ng Bumbay, tiklo
ANTIPOLO CITY, Rizal – Isa sa tatlong kalalakihan ang bumagsak sa rehas na bakal makaraang maaktuhan ng pulisya sa aktong nanghoholdap ng isang negosyanteng Bumbay kahapon ng umaga sa bisinidad ng Barangay San Jose, Antipolo City, Rizal. Pormal na kinasuhan ang suspek na si Richard Mererage, 28, habang nakatakas naman ang dalawang kasama na nakilala lamang sa alyas Lupin at Rowel, pawang residente ng Bagong Buhay, Sitio Tanyag, Brgy. San Jose. Ang grupo ng suspek ay nagsagawa ang modus operandi laban sa biktimang si Balwinder Singh sa panulukan ng Judge at Psalm Street bago natiyempuhan ng mobile car na may lulang tatlong pulis. (Edwin Balasa)
Ari kinagat, bading kalaboso
Kalaboso ang binagsakan ng isang 26-anyos na bading makaraan ireklamo ng kanyang ginapang na lalaki nang panggigilan at kagatin nito ang ari ng huli kamakalawa sa bayan ng Minglanilla sa Cebu. Ang biktimang isinugod sa Minglanilla Hospital ay nakilalang si Jose Bobby Labrador habang kinasuhan naman ang suspek na si Erik Hakain. Batay sa police report, naganap ang insidente sa loob ng tinutuluyang bahay ni Labrador kung saan natutulog ito nang pasukin at isagawa ang maitim na pagnanasa. Nagising lamang si Labrador nang maramdaman ang suspek na hawak ang kanyang ari kaya inipit nito ang leeg subalit gumanti naman at kinagat ang ari ng biktima. (Danilo Garcia)