Cellsite ng Globe sinunog
LEGAZPI CITY, Albay — Isa na namang cellsite ng Globe Telecom ang winasak makaraang sinunog ng mga rebeldeng New People’s Army kamakalawa ng gabi sa Barangay San Jose sa bayan ng Malilipot, Albay. Batay sa police report, bandang alas-8:30 ng gabi nang pasukin at disarmahan ng mga rebelde ang nag-iisang guwardiya na si Allan Bongalos. Kaagad na binuhusan ng gasolina ang ilang gamit sa cellsite saka sinilaban. Bago nagsitakas ay pinakawalan naman ang guwardiya. May teorya ang pulisya na may kinalaman sa revolutionary tax ang ginawang pananabotahe ng mga rebelde. Ed Casulla
9 tiklo sa illegal fishing
PANGASINAN — Siyam na kalalakihan na sinasabing sangkot sa illegal fishing ang inaresto ng mga awtoridad sa karagatang sakop ng Barangay Vistoria sa bayan ng Alaminos noong Huwebes. Pormal naman kinasuhan ang mga suspek na sina Rodolfo Ofiaza, 69; Marlon Albay,49; Felipe Damian,20; Rafael Damian, 44; Alfredo Lagao, 49; Federico Abarquez,44; Alex Bucao, 30; John Cacayuran, 28; at si Robert Cacayuran,19, pawang residente ng Barangay Bay-bay sa bayan ng Sto.Tomas, La Union. Napag-alamang gumagamit ng fine mash net (hulbot-hulbot) ang mga suspek sa pangingisda na ipinagbabawal ng batas. Kinumpiska ng mga awtoridad ang dalawang bangkang-de-motor, hulbot-hulbot, 13-kilos ng isda, at iba pang gamit-pangisda. Cesar Ramirez
Pulis inutas ng NPA
Isa na namang pulis ang iniulat na napaslang makaraang ratratin ng mga rebeldeng New People’s Army sa harapan ng kanyang tahanan sa bisinidad ng Hacienda Cristina sa Barangay 21, Victorias City, Negros Occidental kamakalawa. Idineklarang patay sa Ikaayong Lawas Hospital si SPO1 Dennis Gimay, 50, at na katalaga sa kampo ng provincial police office. Base sa police report na isinumite sa Camp Crame, nakikipag-usap sa mga kaibigan ang biktima nang lumapit at pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan. Tinangka pang ransakin ng mga rebelde ang bahay ng biktima subali’t nagbago ang isip sa takot na maabutan ng mga awtoridad. Joy Cantos
Vendor inutas dahil sa droga
KIDAPAWAN CITY — Pinaniniwalaang onsehan sa bawal na droga ang isa sa motibo kaya pinagtulungang saksakin hanggang sa mapatay ang isang tindero sa palengke ng dalawang di-kilalang lalaki sa Dayao Street, Kidapawan City kamakalawa ng gabi. Amoy alak pa ang biktimang si Julio Abu Deculawan ng Talisay St., sa Barangay Poblacion, Kidapawan City. Ayon kay PO1 Conrado Abalos ng Kidapawan City PNP, tumutungga ng alak sa loob ng palengke si Deculawan nang lapitan at saksakin. Sinisilip ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa bawal na droga ang pamamaslang. Malu Manar
3 ‘sinalvage’ sa Cavite
CAVITE — Tatlong kalalakihan na sinasabing biktima ang summary execution ang natagpuan kahapon ng umaga sa bisinidad ng Barangay Alapan 2-B, sa bayan ng Imus, Cavite. Ayon kay P/Supt. Ulysses Cruz, kasalukuyang pang bineberipika ang pagkikilanlan ng tatlo na pawang nakagapos ang mga kamay at paa na may masking tape ang mga mukha. Ayon kay PO3 Catherine Ersando, ang tatlo ay pawang ginulpi saka sinakal. Pinaniniwalaan naman pinatay ang tatlo sa ibang lugar saka itinapon sa nabanggit na barangay. Cristina Timbang
- Latest
- Trending