KIDAPAWAN CITY — Bantulot pa rin ang mga kaanak na ipalibing ang bangkay ni dating P/Senior Supt. Monico Paloma na sinasabing inagaw ang kaluluwa ng engkanto dahil sa posibilidad na naglalakbay pa ang kaluluwa nito at maaari pang mabuhay.
Napag-alamang si Paloma ay unang inatake ng mild stroke noong December 31 at idineklarang clinically dead noong Martes ng Enero 6 sa Kidapawan Doctors Hospital .
Nabatid din na muling nagkapulso ang dating opisyal matapos na gamutin ng faith healer kaya naman naniwala ang ilan sa pamilya ni Paloma na napaglaruan ito ng mga ligaw na espiritu (engkanto).
Subalit sinabi naman ng embalsamador ng Collado Funeral Homes na si Rene Dichon, patay na talaga si Paloma dahil sa pangingitim ng mga kuko at buong katawan.
Hindi naman pumayag ang mga kaanak na ipaembalsamo ang katawan ng dating opisyal dahil sa sinasabing naglalakbay lamang ang kaluluwa nito.
Kasunod nito, pinalipas muna ng mga kaanak ang dalawang araw bago pa man nagpasya na ipaembalsamo na ang katawan ni Paloma.
Sa ngayon, ibinurol na ang mga labi ni Col. Paloma sa bahay niya sa Barangay Poblacion at ililibing sa Miyerkules ng Enero 14. Malu Manar