Barangay naging 'ghost town'
Nagmistula na ngayong ghost town ang Barangay Sangay sa Kalamansig, Sultan Kudarat matapos na magsilikas ang mga residente nito sa takot na maipit sa bakbakan ng mga sun dalo ng pamahalaan at ng Moro Islamic Liberation Front.
Kinumpirma ng tagapagsalita ng 6th Infantry Division ng Philippine Army na si Col. Julieto Ando na wala na ni isa mang residente maliban na lamang sa nakadeploy na mahigit 100 sundalo sa Sangay.
Ang Barangay Sangay ay inatake ng MILF rogue elements na nasangkot sa panununog ng mga kabahayan sa lugar, paninira ng mga pananim at mga alagang hayop ng mga Kristiyanong naninirahan dito na karamihan ay mga magsasaka.
Sinabi ni Ando na sa kabila ng nagsilikas na ang mga residente ay hindi pa rin paawat ang mga rebelde sa panununog ng mga kabahayan kaya nakadeploy pa rin dito ang mga tauhan ng 63rd Division Recoinassance Company upang mapigilan ang mga pag-atake.
Nabatid na umaabot sa 500 pamilya o kabuuang mahigit 20,000 katao ang napilitang magsilikas sa lugar sa takot sa isinasagawang pangha-harass ng pasaway na separatistang grupo. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending