Cholera outbreak: 2 bata dedo, 86 na-ospital
Dalawang bata ang iniulat na natigok habang umaabot naman sa 86-katao ang na-ospital makaraang manalasa ang sakit na cholera sa Sitio Visoria, Barangay Manlilinao sa Ormoc City, Samar, ayon sa ulat kahapon.
Base sa report na tinanggap ng Office of Civil Defense (OCD), ang dalawa na may edad 6 hanggang 9-anyos ay dumanas ng grabeng pagdudumi, pagsusuka at pagkahilo na dulot ng inpeksyon sa small intestine sanhi ng bacterium Vibrio cholerae.
Sa inisyal na pagsusuri ni Tacloban City Dr. Nelita Navales, lumilitaw na kontaminadong tubig na sinasalok sa bukal ang sanhi ng pagkakasakit ng mga biktima.
Isa rin sa pagkalat ng nasabing bacteria ay ang mga naglipanang langaw na may dalang mikrobyo bago dumadapo sa mga pagkain at walang malinis na palikuran.
Sa kasalukuyan ay kontrolado na ang mga health officials ang epidemya na nagsimula pa noong nakalipas na linggo.
Samantala, nagbigay na rin ng kaukulang tulong ang lokal na pamahalaan para sa mga residenteng nagkasakit. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending