RIZAL – Pinagtataga at pinugutan pa ang isang mister na sinasabing may relasyon sa misis ng kanyang kapitbahay na lalaki kamakalawa ng gabi sa Barangay San Jose sa bayan ng Baras, Rizal.
Kinilala ni P/Senior Supt. Ireneo Dordas, Rizal police director, ang biktima na si Benie Carlo Buella, 48, ng Sitio Tingting sa nabanggit na barangay.
Sumuko naman sa himpilan ng pulisya ang suspek na si Malvar Relloma, 42, may asawa at kapitbahay ni Buella.
Base sa ulat ng pulisya, naganap ang krimen dakong alas-7 ng gabi habang nanonood ng telebisyon ang biktima sa loob ng kanilang tahanan.
Napag-alamang winasak ng suspek ang pintuan saka tinagpas ang ulo ng biktima na nakaupo lamang sa sala.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lumalabas na nagawang paslangin ng suspek ang biktima dahil sa kumakalat na balitang may namumuong relasyon ang kanyang misis at ang biktima.
Hindi naman pinagsisihan ng suspek ang nagawang krimen dahil ginantihan lamang niya ang panloloko sa kanya ng biktima, ayon sa salaysay sa pulisya. (Edwin Balasa)