Carnival blast: 8 sugatan

KORONADAL CITY — Walo-katao ang iniulat na nasu­gatan makaraang su­mabog ang inihagis na granada sa loob ng carnival center sa kahabaan ng Alunan Highway sa Tacu­rong City, Sultan Kudarat noong Sabado ng gabi.

Lima sa walong biktima na nasa ligtas na kalagayan ay nakilalang sina Nasser Mangingyog, 24; Rio Del­gado, 27; Janice Ata­noso, 23; Jolyn Francisco, 19 at si Alma Macabodbod, 55.

Tatlo naman sa mga bik­tima na ngayon ay nasa Sultan Kudarat Provincial Hospital ay sina Pogi Utto, Baldo Paniang at Armand Dingal na nagtamo ng grabeng sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Ayon kay P/Senior Supt. Joel Limson, hepe ng pu­lisya sa nabanggit na lung­sod, ang mga biktima ay nakatayo malapit sa carnival center nang maganap ang pagsabog bandang alas-7:15 ng gabi.

Napilitan naman ang mga opisyal ng lokal na pa­mahalaan na pansaman­talang ipinatigil ang operas­yon ng carnival center at ipi­nag-utos sa pulisya na si­guruhin ang kaligtasan ng taumbayan para mapanatili ang katahimikan.

Napag-alamang magda­raos ng patronal fiesta ang nasabing lungsod sa susu­nod na linggo. (Ramil Bajo at Danilo Garcia)

Show comments