NPA attack: Pulis todas, 3 dinukot

RIZAL — Inilagay na sa double red alert ang lala­wigan ng Rizal matapos ma­patay sa pananambang ng mga rebel­deng New Peo­ple’s Army ang isang alagad ng batas habang kritikal naman ang dalawang iba pa at pagdukot sa tatlong pulis kamakalawa sa bayan ng Rodriguez, Rizal.

Kinilala ang napatay na si PO1 Rickson Aquino ha­bang sugatan naman sina PO1 Michael Taron at PO1 Ricardo Flores.

Samantalang dinukot na­man sina P/Insp. Rex Cun­tapay, PO1 Alberto Umali at PO1 Marvin Agasen.

Napag-alamang dakong alas-7 ng umaga nang ratratin ng mga rebelde ang grupo ng 418th Provincial Mobile Group habang nag­sasagawa ng routine patrol sa bulubundukin ng Sitio Calumpit, sa Barangay Ma­cabud, Rodriguez.

Nauna rito, ay tinangay ng mga rebelde ang garbage truck na pag-aari ng Renz Transport bago sinu­nog sa bisinidad ng Sitio Calumpit.

“Nakatanggap tayo ng intelligence report na pipilitin alisin sa Rizal ang tatlong pulis na bihag, isasakay sa close van, kaya lahat ng exit point ay naglagay tayo ng checkpoint,” pahayag ni P/Senior Supt. Ireneo Dordas, provincial police director.

Nagsasagawa na nang hot pursuit operation ang pinagsanib na puwersa ng Regional Mobile Group, Provincial Mobile Group at ang 16th Infantry Battalion ng Philippine Army laban sa grupo ni Ka Donato ng KLG 53rd Komite Pro­binsya Rizal na nagmula sa Laguna at Bulacan. (Edwin Balasa)

Show comments