Umingan, Pangasinan — Habang nagkakasayahan ang iba sa pagsalubong sa Bagong Taon, isang barangay kagawad ang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbaril sa kanyang mukha sa loob ng kanyang kubo sa Barangay Concepcion dito.
Nakilala ng biktima na si Ramilo Cabanilla, 51-anyos, na natagpuang duguan at wala nang buhay sa kanyang higaang kawayan.
Unang nakakita sa bangkay ni Cabanilla ang asawa niyang si Lolita sa pagitan ng alas-12:00 ng hatinggabi at ala-1:00 ng madaling-araw ng Enero 1.
Sinabi ni Gng. Cabanilla na matagal nang nagpaplanong magpakamatay ang biktima matapos niyang matuklasang meron itong kalaguyo.
Isinurender niya sa pulisya ang .38 kalibreng revolver na Smith and Wesson na ginamit ng kanyang asawa sa pagpapakamatay.
Dinala sa punerarya ang bangkay ng biktima pero tinutulan ng kanyang mga kapatid na iawtopsiya ito. (Eva Visperas)