Niyanig ng pagsabog ang isang bus terminal matapos na hagisan ng granada ang pagdaraos ng Christmas party ng mga empleyado rito kamakalawa ng gabi sa Cotabato City.
Ayon kay Cotabato City Police Director Sr. Supt. Willie Dangane, naganap ang pagsabog bandang alas-8:15 ng gabi sa Husky Bus Terminal sa Barangay Tamontaka ng lungsod na ito.
Bigla na lamang umanong sumulpot sa lugar ang kahinahinalang mga suspek at kasunod nito ay inihagis ang dalawang granada na natukoy na MK2 fragmentation hand grenade.
Nagkaroon ng malalakas na pagsabog sa lugar na nagresulta sa pagkawasak ng tatlong bus dito habang nagdaraos ng Christmas party ang mga empleyado ng kumpanya na pag-aari ni Mr. Emilio Escobello Jr.
Matapos ang pagsabog ay mabilis na tumakas ang mga suspek sakay ng kulay itim na motorsiklong Honda XRM na tumahak sa Sinsuat Avenue patungo sa Datu Odin Sinsuat, Shariff Kabunsuan.
Sa kasalukuyan, ayon kay Dangane, ay iniimbestigahan ang anggulo ng paghihiganti sa insidente bunga ng pagkakasibak sa trabaho sa ilang guwardiya sa nasabing bus terminal.
Sinabi ni Dangane na may natanggap silang impormasyon na dalawang dating empleyado ng Husky bus company ang naghagis ng dalawang granada sa terminal.