2 bihag ng MILF, laya na
Dalawang sibilyan na binihag ng grupo ni Moro Islamic Liberation Front Commander Ameril Umbra Kato, ang pinalaya na matapos ang limang oras sa Kabuntalan, Shariff Kabunsuan kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ang mga biktima na sina Danny Vicente at Fred Miranda na kapwa residente ng Barangay Gayonga, Northern Kabuntalan.
Ayon sa ulat ng regional police na pinamumunuan ni P/Chief Supt. Bensali Jabarani, dinukot ang mga biktima sa bahagi ng Brgy. Gayonga kung saan ginamit na kalasag ng MILF renegades upang makatakas laban sa tumutugis na puwersa ng militar.
Nabatid na kasalukuyang naghahanda ang pamilya ng dalawa para sa kanilang salu-salo sa Noche Buena nang puwersahang tangayin ng mga armadong MILF.
Gayon pa man, makalipas ang 5- oras ay pinawalan din ang dalawa noong Huwebes ng madaling araw sa mismong araw ng Pasko. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending