Laruang granada natagpuan sa simbahan
KIDAPAWAN CITY – Dalawang laruang granada na kinabitan ng mga kawad ng kuryente ang natagpuan ng mga pulis sa loob ng isang simbahang Katoliko sa Carmen, North Cotabato kahapong alas-11:00 ng umaga.
Ayon sa imbestigador na si SPO2 Teng Dimapalao, halatang pananakot lang ang motibo sa pag-iwan ng naturang mga laruan.
Sa biglang tingin, ayon sa pulis, ‘di mapapansin na peke pala ang mga granada.
“Mukha itong totoo. Pero nang kunin ko at hawakan, napansin ko na magaan. Kaya nagduda na ako,” ani Dimapalao.
Para magmukhang totoo, kinabitan ito ng pulang kawad ng kuryente at ikinabit sa isang bag.
Iniwan ang naturang mga bagay sa loob mismo ng Immaculate Concepcion Cathedral sa may Poblacion, Carmen na ‘di kalayuan sa Carmen-Bukidnon highway.
Ang Simbahan ay ilang metro lang ang layo mula sa headquarters ng 602nd Infantry Brigade.
Maging ang bayan ng Carmen ay nasa heightened alert na rin pagkatapos maganap sa Iligan City ang dalawang sunud-sunod na pagsabog na kumitil ng tatlo katao at ikinasugat ng 47 iba pa.
Noong Biyernes ng hapon, isa pang improvised explosive device ang iniwan ng dalawang tinedyer sa isang panadera sa Iligan City. Ang bomba ay gawa sa bala ng 81-mm mortar na ikinabit sa isang relo bilang triggering device. (Malu Cadelina Manar)
- Latest
- Trending