Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang sangkot sa magkasunod na pambobomba sa dalawang shopping mall sa Iligan City noong Huwebes ang nasakote ng mga awtoridad na sinasabing nakita sa CCTV camera sa isinagawang follow-up operation sa nabanggit na lungsod.
Ito ang inianunsyo ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa, sa mga mamamahayag, gayon paman pansamantala munang ‘di-inihayag ang mga pangalan at organisasyong kinabibilangan ng tatlo.
Ang tatlong suspek ay kasalukuyan pang sumasailalim sa tactical interrogation.
“This is in line with our security preparations for the holiday season and we are still on the follow-up for the arrest of the other members of the group that we have just recently conducted neutralization operations,” pahayag pa ni Verzosa
Kaugnay nito, alerto naman ang buong puwersa ng kapulisan sa Mindanao kaugnay sa pambobomba sa dalawang shopping mall.
CCTV, susi sa bombing
Sinasabing dalawang lalaki ang na-monitor sa CCTV na huling nag-iwan ng bagahe sa baggage counter ng Unicity Mall at Jerry Bargain Center (JBC) Shopping Complex sa Aguinaldo Street bago sumabog ang bomba.
Isinasailalim na sa pagsusuri ng mga imbestigador ang close circuit television (CCTV) recording na magsisilbing susi sa magkasunod na pambobomba sa dalawang mall sa Iligan City, Lanao del Norte kamakalawa na pumatay sa 3-katao habang 47 iba pa ang sugatan.
Pakana ng 2 kumander ng MILF rebs
Pinaniniwalaan namang galamay ng dalawang wanted na MILF kumander na sina Abdulrahman Macapaar alyas Commander Bravo, at Aleem Sulayman Macapaar, may reward naman P5 milyon.
Sinabi naman ni Army’s 403rd Brigade Commander Col. Nicanor Dolojan, na walang dudang may kinalaman ang grupo ng dalawang kumander sa pagpapasabog para lamang ilihis ang opensiba ng military.
Sinabi ni Dolojan na tatak ng MILF ang ginamit sa sumabog na improvised explosive device (IED) tulad ng 81mm mortar na ginamitan ng cell phone para magsilbing detonating device ng bomba.
Ikinalungkot naman ni Iligan City Mayor Lawrence Cruz, ang sinapit ng isang nursing student na nadamay sa naganap na pagsabog kung saan ay hindi na maibabalik pa ang dating anyo ng mukha kung saan nabulag din ang kaliwang mata nito.
MILF pumalag sa akusasyon ng AFP
Kasabay nito, itinanggi naman ni MILF Spokesman Eid Kabalu na ang kanilang grupo ang responsable sa pagpapasabog ng dalawang mall at imahinasyon lamang at black propaganda ito ng AFP.
Sa halip, bumuwelta si Kabalu na sinabing may sangkap na C4 ang bomba na aniya’y tanging ang AFP lamang ang nagtataglay nito.
Ayon kay Kabalu, hindi patas sa kanilang grupo ang AFP na sa kabila ng wala pang isinasagawang imbestigasyon ay agad nang tinukoy ang kanilang grupo na nasa likod ng insidente.
Binigyang diin pa ng MILF spokesman na taliwas sa aral ng Islam ang magsagawa ng pambobomba.