3 karnaper nadakma
CALUMPIT, Bulacan – Tatlong kalalakihan na pinaniniwalaang notoryus na karnaper ang naaresto ng pulisya sa bisinidad ng Barangay Palimbang sa bayan ng Calumpit, Bulacan kamakalawa ng gabi. Pormal na kinasuhan ng pulisya ang mga suspek na sina Jeffrey David, 24; Jeffrey Sonza, 19; at si Abraham Calaguas, 31. Ayon kay P/Supt. Efren Ramos, hepe ng pulisya sa bayan ng Calumpit, nasamsam sa mga suspek ang isang karnap na motorsiklo (1464-NU) na pag-aari ni Armando Tan Jr. ng nabanggit na barangay. Isiniwalat ni Sonza sa pulisya na binabayaran sila ni Calaguas ng P8,000 sa bawat motorsiklong kanilang masisikwat. Dino Balabo
Umbagerong mister, nagbigti
CAVITE – Pinaniniwalaang naaburido kaya nagbigti sa loob ng detention cell ng barangay hall ang isang 32-anyos na sinasabing umbagerong mister makaraang ipakulong ng kanyang ka-live-in partner sa Barangay Paliparan 3 sa bayan ng Dasmariñas, Cavite kamakalawa ng gabi. Bandang alas-10 ng gabi nang matagpuang nakabitin si Ilan Maribuhok ng Blk 49, Lot 7, Phase 2 ng nabanggit na barangay. Sa ulat ni P/Supt. Marcos Estada Badilla, hepe ng pulisya sa bayan ng Dasmariñas, pansamantalang ikinulong si Maribuhok sa barangay hall dahil sa reklamo ng live-in partner na si Rachel Boveraz, 33. Subalit sa hindi nabatid na dahilan ay nagbigti ang biktima gamit ang kanyang sando. Cristina Timbang
P24.9-M pekeng makina winasak
SAN RAFAEL, Bulacan — Tinatayang aabot sa P24.9 milyong halaga ng mga makina na sinasabing peke ang winasak ng mga opisyal ng Bureau of Customs sa bisinidad ng Barangay San Roque sa bayan ng San Rafael simula pa noong Lunes hanggang kahapon. Kabilang sa 716 pirasong makina na nagmula pa sa China bago nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs ay ginagamit sa mga generators, water pumps, brush cutters, at lawn mowers. “We have to protect our customers from the serious dangers of using inferior products, and to protect and utilize fully our research and development endeavors,” pahayag ni Atty. Brigido E. Valmadrid, assistant vice president for Legal ng Honda Philippines, Inc. “Because of the striking similarity between the appearance of Honda’s general purpose engines and the counterfeits, consumers are deceived into thinking that these look-alikes are also manufactured by Honda, thus, damaging its reputation,” paliwanag pa ni Valmadrid. Dino Balabo
- Latest
- Trending