Matapos ang walong araw na pagkakabihag, pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf Group, ang pitong manggagawa sa gravel and sand company kamakalawa ng gabi sa bayan ng Tuburan, Basilan.
Ayon sa spokeswoman ng regional Army na si 1st Lt. Steffani Cacho, dakong alas-10:30 ng gabi nang palayain sina Mao Ponce, Tomas de Leon, Albert Manulis, Wagi Toledo, Alfred Liam, Rocky Caceres at isang alyas Jobert.
Kaagad naman dinala ang mga biktima sa kampo ng Phil. Marines sa Barangay Campo Uno, sa bayan ng Lamitan para sa debriefing bago dalhin sa Isabela City, Basilan.
Ang pagpapalaya sa mga biktima ay bunsod ng negosasyon ni Lamitan City Mayor Roderick Furigay na walang kapalit na ransom.
Gayon pa man, may mga kumakalat na report na binayaran ng alkalde ang board and lodging ng pito. (Joy Cantos)