P31-M marijuana nasamsam
LA TRINIDAD, Benguet – Tinatayang aabot sa P31 milyong halaga ng marijuana ang nasamsam makaraang salakayin ng pinagsanib na puwersa ng pulisya, Phil. Army at Phil. Drug Enforcement Agency, ang 22 ektaryang plantasyon sa magkahiwalay na operasyon sa Benguet.
Sa ulat ni P/Chief Supt. Eugene Martin, Cordillera police director, nadiskubre sa 36 pook na ni-raid ng mga awtoridad, ang 150, 320 puno ng marijuana at 36, 610 pinatuyong buto ng marijuana kung saan aabot sa P31,528,400 halaga kapag naipagbili.
Kabilang sa mga plantasyon ng marijuana na ni-raid sa tatlong araw na operasyon ay matatagpuan sa mga Barangay Badeo at Takadang sa bayan ng Kibungan at sa Barangay Kayapa sa bayan naman ng Bakun, Benguet.
Magugunita na noong Oktubre, nasabat ng mga awtoridad ang isang trak na may lulang kilu-kilong marijuana sa bahagi ng Halsema Highway sa Benguet.
Sinunog naman ang nakumpiskang marijuana sa Camp Dangwa, noong Biyernes ng hapon habang nagpapatuloy naman ang operasyon laban sa mga operation ng plantasyon ng marijuana sa nabanggit na lalawigan. (Artemio A. Dumlao)
- Latest
- Trending