CamNorte lubog sa tubig baha
CAMARINES NORTE - Sa ikalawang pagkakataon simula noong 1995 sa pananalasa ng bagyong “Rosing,” muling lumubog sa tubig baha ang Camarines Norte at naapektuhan ang libu-libong residente at motorista dahil sa patuloy na pag-ulan may dalawang araw na ang nakalipas.
Sa bayan ng Daet, umaabot na sa 20 kabahayan na nasa gilid ng ilog ang tinangay ng malakas na agos ng tubig baha habang apektado naman ang 25 barangay particular na sa mga Barangay San Isidro, Camambugan, Bagasbas, Awitan, Magang, Lag-On, Cobangbang, Alawihao, Barangay 1, 2, 3, 4, 6, at ang Barangay 8.
Pansamantalang isinara ang Maharlika Highway sa bayan ng Labo na naapektuhan ng tubig baha particular ang bahagi sa Brgy Bagong Silang dahil sa pag apaw ng ilog na siyang pangunahing lansangan patungong Maynila.
Apektado rin ang inuming tubig sa mga bayan ng Daet, San Vicente, Vinzons, Basud, Mercedes, Talisay at Labo matapos mawasak ang linya ng Camarines Norte Water District sa bahagi ng Barangay Banban sa bayan ng San Vicente.
Gayon pa man, sinamantala ng ilang negosyante ang biglaang pagkawala ng daloy ng tubig inumin kaya biglang tumaas ang presyo sa mga commercial establishment. (Francis Elevado)
- Latest
- Trending