CAVITE – Isang 38-anyos na mister na pinaniniwalaang pumatay sa sariling kapatid ang niratrat at napatay ng di-pa kilalang lalaki sa bilyaran na sakop ng Barangay Talaba 2, sa bayan ng Bacoor, Cavite kamakalawa ng gabi. Napuruhan sa ulo ng bala ang biktimang si Dennis Mateo “Batman” Ocampo ng Ocampo Compound sa Brgy Talaba 1. Ayon kay PO3 Clarence Erese, si Dennis ay kalalabas pa lamang ng ospital matapos masugatan sa pakikipagbarilan sa sariling utol na si Arturo “Junpo” Ocampo noong Oktubre. Wala naman lumutang na testigo sa krimen habang iniimbestigahan ang pamamaslang. (Cristina Timbang)
Rapist, habambuhay kulong
CAMARINES NORTE – Habambuhay na pagkakulong ang inihatol ng mababang korte laban sa isang amain na napatunayang humalay ng dalawang ulit sa 14-anyos na anak ng kanyang ka-live-in noong Disyembre 1999 sa bayan ng Mercedes, Camarines Norte. Sa 14-pahinang desisyon ni Judge Roberto A. Escaro ng Daet Regional Trial Court, Branch 38, bukod sa habambuhay na kulong sa akusadong si William Saplagio y Tychingco, 53, pinagbabayad din ng P.250 milyon sa biktima bilang danyos perwisyo. Napag-alamang nabuntis ang biktima kaya nadiskubre ang krimen ng akusado kaya ipinaaresto sa pulisya noong Disyembre 24, 2000 hanggang sa mahatulan. (Francis Elevado)
3 itinumba dahil sa droga
Pinaniniwalaang onsehan sa droga ang isa sa motibo kaya pinagbabaril hanggang sa mapatay ang tatlong sibilyan sa panibagong karahasang naganap sa Purok 2, Ong Yiu District sa Barangay 6, Butuan City, Agusan del Norte kamakalawa ng gabi. Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Kagawad Julieto Carumba, 34, ng Brgy. Kulambugan, Sibagat, Agusan del Sur; Nestor Sulla ng Cabadbaran City, insurance agent; at si Marites Crisostomo, 26. Base sa ulat ni SPO4 Popong Le desma na nakarating sa Camp Crame, kabilang sa anggulong tinututukan ay ang posibilidad na may kinalaman sa bawal na droga ang krimen. (Joy Cantos)