Iligal rekruter bistado sa PNP-Bulacan website
MALOLOS CITY, Bulacan — Naging mabisa ang programang website (www.pnpbulacan.net) ng kapulisan sa Bulacan laban sa iligal rekruter kung saan nailigtas ang mag-utol na singer mula sa nakaambang panganib sa South Korea noong Oktubre 25, 2008.
Kinilala ni P/Senior Supt. Allen Bantolo, acting Bulacan police director, ang mga biktima na sina Edwin at Tess Tiu ng Guiguinto, Bulacan.
Sa salaysay ng mag-utol sa pulisya, isang alyas Royette Agbayari, ang sinasabing nakahikayat sa kanila na magtrabaho sa South Korea bilang singer at sila ay pinag-apply sa Masaya International Placement Agency sa Maynila.
Matapos makumpleto ang mga dokumento, ang mag-utol ay lumipad patungong Daegu City, South Korea noong Oktubre 25, ngunit doon lamang nila nalaman na wala pala silang magiging trabaho bilang singer dahil walang club na kakantahan.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang documentation officer ng nabanggit na placement agency na si Rose Llamado, matapos ang pakikipanayam ng PSNgayon sa telepono.
Sinabi pa ni Llamado na hindi konektado sa MIPA si Agbayari at nagpaliwanag na ipadala na lamang sa koreo ang reklamo upang mapag-aralan ng nabanggit na agency.
Pinapirma pa ng kontrata ang mag-utol sa Daegu City, ngunit hindi pa rin sila nagkatrabaho sa hindi nabatid na dahilan.
“Tambay ang nangyari sa amin doon kasama ng may 30 pang Pinoy singer na halos lahat ay babae,” pahayag ni Edwin Tiu.
Sa pangambang maaresto ng mga awtoridad sa Korea, nagpasya ang mag-utol na ipaabot ang reklamo sa pulisya sa pamamagitan ng www.pnpbulacan.net.
Kaagad namang tumugon ang PNP-Bulacan at nakipag-ugnayan sa Department of Foreign Affairs (DFA) kaya naipaabot ang reklamo sa Embahada ng Pilipinas sa Seoul, South Korea.
Ayon naman kay Bantolo, sinimulan nila ang paglalagay ng website noong unang buwan ng 2008 para sa mga Bulakenyo na nais iparating ang mga reklamo. Dino Balabo
- Latest
- Trending