BAGUIO CITY — Kinarit ni kamatayan ang tatlo-katao kabilang ang tatlong taong gulang na lalaki habang dalawang iba pa ang malubhang nasugatan makaraang magbanggaan ang pampasaherong bus at kotse sa kahabaan ng highway sa bayan ng Santa, Ilocos Sur noong Sabado ng madaling-araw.
Kabilang sa mga nasawi ay sina Mark John Cue, 28; Ramon Gabriel Battad, 3; at si Susan Laurente Llanes, 31; pawang residente ng Vigan City, samantalang ginagamot naman sa St. James Hospital sina Dr. Glenn Battad, 46; at Felicisima Battad, 77.
Base sa report ni P/Senior Supt. Virgilio Fabros, Ilocos Sur police director, naganap ang trahedya dakong alas-4:30 ng madaling-araw sa highway ng Barangay Namalangan kung saan pa-southbound ang Toyota Vios ni Cue nang sakupin nito ang kabilang linya ng highway kaya sumalpok sa kasalubong na Partas bus (AVN 498) na minamaneho ni Rey Aldeza.
Ayon pa kay Frabros, tinangkang iwasan ng pampasaherong bus ang kotse subalit mahagip din sa tagiliran.
May posibilidad na inantok ang drayber ng kotse dahil sa kahabaan ng nasabing highway kaya naganap ang trahedya. Artemio Dumlao at Joy Cantos