Nagpalabas ng isang resolusyon ang Commission on Elections na nag-aatas sa pagpapatupad ng “total gun ban” sa Tacloban City bilang paghahanda sa plebisito upang gawing “highly-urbanized city” ang lunsod.
Batay sa Resolution 8515 ng Comelec, inatasan nito ang Tacloban City Police na ipatupad ang pagbabawal sa pagdadala ng anumang uri ng baril at mga nakakamatay na sandata.
Maging ang mga tao na bumibisita lamang sa Tacloban ay sakop rin ng resolusyon.
Epektibo ang gun ban hanggang Disyembre 21. Mer Layson
Itinumba ng NPA
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City — Binaril at napatay ng isang hininalang miyembro ng New People’s Army si PO3 Jorge Calinao ng Lupi Police habang naglalakad ito pauwi ng bahay sa Zone 6, Barangay Tapi, Lupi, Camarines Sur kamakalawa ng hapon. Ed Casulla
2 pulis tiklo sa boga
KIDAPAWAN CITY — Dalawang tauhan ng Maguindanao Police na sina PO2 Moil Nul at kapatid nitong si PO1 Lahmulil Nul ang inaresto ng pulisya makaraang mahulihan ng ‘di-lisensiyadong baril sa Kabacan, North Cotabato kahapon. Dinakip din ang kasamahan nilang sina Muhammad Singao na security officer ng Land Transportation Office at driver na si Ambit Anit. Malu Cadelina Manar
2 sekyu huli sa nakaw
SAN MIGUEL, Bulacan - Dalawang guwardiyang sina Edwin Ignacio, 40 anyos, at Anthony Fuentes, 42 anyos, ang inaresto ng pulisya makaraang mahuling nagnanakaw ng P40,000 halaga ng mga grocery items kamakalawa ng gabi sa CVC Supermarket na pag-aari ni dating Caloocan City Congressman Gerardo Cabochan at matatagpuan sa Barangay Poblacion ng bayang ito. Dino Balabo