Komentarista itinumba
Isa na namang brodkaster ang naitalang biktima ng extra-judicial killing maka raang tambangan ng dalawang ‘di-pa kilalang lalaki na lulan ng motorsiklo sa bahagi ng Gingoog City, Misamis Oriental kahapon ng umaga.
Ang biktimang nakakatanggap ng pagbabanta sa kaniyang buhay mula sa ilang tiwaling opisyal ng lokal na pamahalaan ng Gingoog City ay kinilalang si Ariceo Padrigao, block timer commentator sa Radyo Natin na nakabase sa nabanggit na lungsod.
Base sa ulat ni P/Senior Supt. Catalino Rodriguez, Misamis Oriental police director, naganap ang krimen dakong alas-7 ng umaga sa gate ng Bukidnon State University sa Motoomull Street, Barangay 23.
Lumilitaw sa imbestigasyon na sinasabing kahahatid lamang ng biktima sa kaniyang anak sa eskuwelahan nang harangin at pagbabarilin ng dalawang maskaradong lalaki na sakay ng kulay itim na motorsiklo.
Nabatid na si Padrigao ay kilalang kritiko ni Gingoog City Mayor Ruthy Guingona.
Pinaniniwalaan namang ang pagpaslang sa biktima ay may kinalaman sa sensitibo nitong trabaho habang patuloy ang imbestigasyon. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending