Hindi na iginalang ang kasagraduhan ng pangangaral ng Salita ng Dios ng isang pastor makaraang pagbabarilin ng ‘di-pa kilalang lalaki habang nagmimisa sa bayan ng Magallanes, Agusan del Norte kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Bedal Selyo, 69, pastor ng Filipina Independiente Catholica at residente ng Purok 5 Dahican sa Brgy. Caloc-an sa bayang nabanggit.
Sa inisyal na ulat ng pulisya na isinumite sa Camp Crame, pasado alas-8 ng umaga habang nagbibigay ng kaniyang sermon sa mga panatiko ng nasabing sekta ng relihiyon si Selyo nang biglang sumulpot at pagbabarilin ng ‘di-kilalang lalaki.
Nabatid na ang sermon ay isinagawa ni Pastor Selyo sa bahay nito na dinarayo ng kaniyang mga deboto.
Napag-alamang hawak pa ang Bibliya ng biktima nang duguang bumulagta sa harapan ng kanyang mga debotong nagsisigawan sa takot.
Pinaniniwalaan namang alitan sa lupa ang pangunahing motibo ng krimen habang patuloy ang imbestigasyon ng pulisya. (Joy Cantos)