Ilang oras matapos na dukutin, nailigtas ng pulisya ang isang Tsinoy trader sa kamay ng mga armadong kalalakihan na sinasabing mga rebeldeng Moro Islamic Liberation Front noong Huwebes ng hapon sa bayan ng Upi, Shariff Kabunsuan.
Kinilala ni P/Supt. Esmael Ali, ang biktimang si Wilfredo Chew ng Brgy. Poblacion Buro.
Si Chew at ang kanyang drayber na si Leo Baybayan ay kinidnap dakong alas-5:45 ng hapon sa Bisinidad ng Brgy. Mrab matapos manggaling sa Cotabato City pabalik sa Upi.
Ang pagdukot kay Chew ay naganap matapos na dukutin ng MILF ang may-ari ng malaking lupain na si Jesus Perfecto sa bayan ng Datu Odin Sinsuat noong Setyembre 8.
Si Perfecto ay pinalaya sa Cotabato City matapos magbigay ang kanyang pamilya ng P.3 milyong hiningi ng grupo ni MILF Commander Rambo II.
May teorya ang pulisya na ang pagdukot kay Perfecto ay isang uri ng fund raising ng MILF para sa mga tropa nitong tinutugis ng militar sa Central Mindanao. Joy Cantos