'Damo' special offer ng manikurista

Nagtapos ang pagseserbisyo bilang manikurista ng isang ginang na napakaraming suki dahil sa ibinibigay nitong “special offer” na palihim na pagbebenta ng marijuana habang naglilinis ng mga kuko matapos na maaresto ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Pangasinan. Kinilala ni PDEA Director General Dionisio Santiago Jr. ang suspek na si Mina Manglinong, 43 anyos, na kabilang sa “watch list” ng mga hinihinalang drug push­er sa Region 1. Sinabi ng ahensya na matagal na silang naka­ka­tanggap ng impormasyon sa talamak na pagbebenta ng iligal na droga ni Manglinong na nagpapanggap na manikurista bilang “front” ng kanyang operasyon. (Danilo Garcia)

15 nalagas sa MILF

Umaabot na sa 15 miyembro ng Moro Islamic Liberation Front ang napaslang habang daan namang sibilyan ang napilitang magsilikas sa kanilang tahanan sa pagpapatuloy ng sagupaan na tumagal ng tatlong oras sa pagitan ng grupo ng naturang mga renegades at ng mga sundalo sa North Cotabato, kamakalawa ng hapon. Ayon kay Army’s 6th Infantry Division Spokesman Col. Julieto Ando, walang naiulat na nasugatan sa tropa ng gobyerno habang ang nasabing bilang ng mga nasawing MILF renegades ay base sa nakalap nilang ulat. (Joy Cantos)

Magkapatid kinatay

TAYUM, Abra — Pinagbabaril at pinagtataga hang­gang mapatay ang isang magkapatid kahapon ng hapon ng isang mag-ama dahil lamang sa nakawalang kambing sa Barangay Bagalay dito. Nakilala ang mga biktima na sina Francis at kapatid niyang si Marlon Ducusin. Nadakip naman ang mga suspek na sina Bernardo Tereza at anak nitong si Joseph. (Myds Supnad)

Cell site pinasabog

Niyanig ng malakas na pagsabog   ang isang cell site ng Globe Telecommunications makaraang bombahin ng sumalakay na walong armadong miyembro ng New People’s Army sa Tabaco City, Albay kamakalawa ng gabi. Sa report ni Chief Inspector Jose Capinpin, hepe ng Tabaco City Police, dakong alas - 8:45 ng gabi nang sumambulat ang Improvised Explosive Device na itinanim ng mga rebeldeng komunista sa cell site sa Barangay Buang ng nasabing lungsod. Sinabi ni Capinpin na tinatayang umaabot sa milyong halaga ang napinsala sa pambobomba ng mga rebeldeng komunista na hindi pa nakuntento ay nagpaulan pa ng bala sa nasabing cell site. (Joy Cantos)

Show comments