BATANGAS CITY, Batangas – Umaabot sa 14 barangay sa Calapan City sa Oriental Mindoro ang lumubog sa tubig baha dahil sa walang humpay na buhos ng ulan kahapon dahil sa namuong active low pressure area sa Batangas at Mindoro.
Sinuspindi ni Calapan City Mayor Paulino Leachon, ang klase sa lahat ng antas sa paaralan, publiko man o pribado kahapon ng umaga dahil sa tubig baha.
Kabilang sa apektadong mga barangay ay ang Ilaya, Lumang Bayan, Sta Maria Village, San Vicente Central, Pachoca, San Vicente North, Guinobatan, Sto Niño, San Raphael, Tawiran, Masipit, Lahid, Tibag at ang Barangay Lasareto.
Kaagad namang ipinag-utos ni Mayor Leachon sa kinauukulang ahensya ng lokal na pamahalaan na linisin ang mga drainage system para humupa kaagad ang tubig baha.
Wala namang naiulat na nasaktan sa isinagawang evacuation sa mga pamilya mula sa mga apektadong barangay. Arnell Ozaeta