Kinidnap na nurse, pinalaya

Matapos ang apat na buwang pagkakabihag, pinalaya na ng mga ban­didong Abu Sayyaf ang isang 24-anyos na nurse kamakalawa ng gabi sa bahagi ng Sitio Buhe Kassa sa Brgy. Mag­kawa sa bayan ng Al Barka, Ba­silan, ayon sa ulat kaha­pon.

Kinilala ni P/Senior Supt. Salik Macapantar, Basilan police director, ang biktima na si  Pre­cio­sa Feliciano ng Zam­boanga City. Sa text message, kinumpirma ni Ma­capantar na si Feli­ciano ay pinalaya ng grupo ni Abu Sayyaf Commander  Furuji In­da­ma dakong alas-8:45 ng gabi noong Biyernes.

Gayon pa man, sina­bi ni Macapantar na wala silang alam kung may ka­palit na ransom ang pag­papalaya kay Feli­ciano na dinukot noong Hulyo 7 matapos itong magtungo sa Brgy. Ma­nicahan, Tipo-Tipo, Ba­silan.

Kinumpirma naman ni Ben Feliciano, kapatid ni Preciosa na napilitan ang kanilang pamilya na mag­ bayad ng malaking halaga upang hindi ma­pahamak ang nasabing bihag kung magtatagal pa ito sa kamay ng Say­yaf.

Iginiit ni Ben na wala na silang ibang mapag­pipilian pa dahil kung hindi ay baka ituloy ng mga ban­dido ang kani­lang banta na papatayin si Pre­ciosa kung hindi magbi­bigay ng ransom.

Magugunita na na­una nang humingi ng P5 mil­yong ransom ang Sayyaf kapalit ng kala­yaan ni Preciosa kung saan sa kabila ng pa­unang bayad na P1.8 milyon ay hindi agad ito napalaya.

Hindi naman mali­naw kung naibigay ng pamilya ang P3.2 milyon at motorbike kapalit ng ka­layaan ng nurse. (Joy Cantos )

Show comments