Kinidnap na nurse, pinalaya
Matapos ang apat na buwang pagkakabihag, pinalaya na ng mga bandidong Abu Sayyaf ang isang 24-anyos na nurse kamakalawa ng gabi sa bahagi ng Sitio Buhe Kassa sa Brgy. Magkawa sa bayan ng Al Barka, Basilan, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Salik Macapantar, Basilan police director, ang biktima na si Preciosa Feliciano ng Zamboanga City. Sa text message, kinumpirma ni Macapantar na si Feliciano ay pinalaya ng grupo ni Abu Sayyaf Commander Furuji Indama dakong alas-8:45 ng gabi noong Biyernes.
Gayon pa man, sinabi ni Macapantar na wala silang alam kung may kapalit na ransom ang pagpapalaya kay Feliciano na dinukot noong Hulyo 7 matapos itong magtungo sa Brgy. Manicahan, Tipo-Tipo, Basilan.
Kinumpirma naman ni Ben Feliciano, kapatid ni Preciosa na napilitan ang kanilang pamilya na mag bayad ng malaking halaga upang hindi mapahamak ang nasabing bihag kung magtatagal pa ito sa kamay ng Sayyaf.
Iginiit ni Ben na wala na silang ibang mapagpipilian pa dahil kung hindi ay baka ituloy ng mga bandido ang kanilang banta na papatayin si Preciosa kung hindi magbibigay ng ransom.
Magugunita na nauna nang humingi ng P5 milyong ransom ang Sayyaf kapalit ng kalayaan ni Preciosa kung saan sa kabila ng paunang bayad na P1.8 milyon ay hindi agad ito napalaya.
Hindi naman malinaw kung naibigay ng pamilya ang P3.2 milyon at motorbike kapalit ng kalayaan ng nurse. (Joy Cantos )
- Latest
- Trending