CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Niratrat at napatay ang isang pulis-Buhi ng mga di-kilalang lalaki sa bisinidad ng Barangay San Jose sa bayan ng Buhi, Camarines Sur kahapon ng madaling-araw. Ang biktimang nagpapatrolya sa nabanggit na barangay ay nakilalang si PO3 Alben Nealega, 38. Samantala, isang 38-anyos na barangay chairman ang tinambangan at napatay ng di-kilalang lalaki sa Sitio Laray, Brgy. Tigbao sa bayan ng Milagros, Masbate kahapon. Si Brgy. Chairman Ricky Sinadjan na lulan ng motorsiklo at patungo sana sa meeting ng liga ng mga barangay nang niratrat. Patuloy naman ang pagsisiyasat sa naganap na magkahiwalay na krimen. Ed Casulla
Manager ng banko nilikida
CAMP SIMEON OLA, Legazpi City – Napaaga ang salubong ni kamatayan laban sa isang 35-anyos na manager ng banko makaraang pagbabarilin ng di-pa kilalang lalaki kahapon sa Purok 6, Barangay Asid sa Masbate City, Masbate. Ang biktimang lulan ng motorsiklo (OX2986) at patungo sana sa trabaho sa bayan ng Mandaon ay nakilalang si Edgar Lupango, unit manager ng Card Bank sa bayan ng Mandaon, Masbate at residente ng Ibanez Street sa Barangay Centro. Blangko naman ang pulisya sa motibo ng pamamaslang laban sa biktima. Ed Casulla
Inhinyero dedo sa ambus
Isang municipal engineer ang iniulat napaslang habang sugatan naman ang kanyang misis makaraang ambusin ng mga di-kilalang kalalakihan sa bahagi ng Brgy. Labungan sa Datu Odin Sinsuat, Shariff Kabunsuan kamakalawa ng hapon. Kinilala ni P/Senior Inspector Dante Mama, police chief ng Datu Odin Sinsuat, ang biktimang si Engineer Rey Sioson. Sa police report na isinumite sa Camp Crame, pauwi na ang mag-asawa sa South Upi, Maguindanao mula sa Cotabato City nang harangin at ratratin ng mga armadong kalalakihang sakay ng motorsiklo. Patuloy naman ang imbestigasyon sa naganap na krimen. Joy Cantos
Pulis kinidnap ng NPA
Nagsasagawa ng search and rescue operation ang mga awtoridad para masagip ang isang pulis na kinidnap ng mga rebeldeng New People’s Army habang masuwerte namang nakatakas ang dalawa nitong kasamahan matapos na harangin ang kanilang sasakyan sa highway na sakop ng Brgy. San Antonio sa bayan ng Caraga, Davao Oriental kamakalawa. Batay sa report ng regional police na nakarating sa Camp Crame, lulan ng Nissan Terrano wagon si PO3 Eduardo Tumol patungong Davao City para dumalo sa paglilitis ng kaso sa korte nang harangin ng mga rebelde mula sa Guerilla Front 18 sa ilalim ni Kumander Rex. Sa nasabing insidente ay nagawang makatakas nina P/Inspector Angel Sumagaysay at PO1 John Anthony Federiso, subali’t naiwan si PO3 Tumol. Joy Cantos