ILOILO CITY— Isa na namang trahedya ang naganap kung saan siyam-katao ang iniulat na nasawi makaraang lumubog ng isang ferry boat na may lulang 30 hanggang 40 pasahero kahapon ng hapon sa karagatang sakop ng bayan ng Concepcion, Iloilo.
Ayon kay ex-Concepcion Mayor Raul Banias na ngayon ay Presidential Assistant for Western Visayas, patuloy ang search and rescue operations sa mga pasahero ng MV Rolet, kung saan ito lumubog bandang alas-2:30 ng hapon may 200 metro ang layo sa baybaying dagat ng Sitio Ulpok sa maliit na isla ng Barangay Bagongon. Karamihan sa nawawala ay pawang mga bata at pansamantalang hindi muna isinapubliko ang mga pangalan ng biktima hangga’t hindi pa naipapaabot sa kani-kanilang pamilya.
Ayon kay Rene Gabayeron, nagkaproblema sa gitna ng dagat ang makina ng MV Rolet na pag-aari ni Bagongon Barangay Chairman Espiridion Padrillan. Dito na sinalya ng malaking alon at hangin ang bangka saka tuluyang lumubog.
Nabatid na pinagbawalan ng Coast Guard na nakabase sa Iloilo na maglayag ang lahat ng bangka bandang alas-10 ng umaga kahapon dahil sa storm signal #1 sa Western Visayas. Ronilo Pamonag