Rice trader nilikida
Binaril at napatay ang isang rice trader ng mga di-pa kilalang kalalakihan na ikinasugat naman ng kanyang kaibigan sa Bacolod City, Negros Occidental kamakalawa. Napuruhan sa likurang bahagi ng katawan na tumagos sa dibdib ang biktimang si Dixon Chiu ng B.S. Aquino Drive sa naturang lungsod. Nasugatan din sa insidente ang kaibigan nito na si Antonio Colmenares at ang isang alyas Ricky. Base sa police report na nakarating sa Camp Crame, dalawang armadong kalalakihan ang pumasok sa bodega ng bigas ni Chiu bago isinagawa ang pamamaslang. Tumakas ang mga killer lulan ng asul na motorsiklo tangay ang bag ng negosyante na naglalaman ng hindi pa madeterminang halaga. Joy Cantos
11 katao sugatan sa sakuna
Labing-isa katao na sinasabing maghahakot ng bigas sa bodega ng National Food Authority para ipamahagi ang iniulat na nasugatan makaraang mawalan ng kontrol at sumalpok sa konkretong pader sa gilid ng kalsada ang sasakyang pag-aari ng gobyerno sa Brgy. Bunguiao, Zamboanga City, kahapon ng umaga. Sa police report na nakarating sa Camp Crame, kabilang sa mga sugatan ay ang driver ng multicab na si Konsehal Jovito Tabuena ng Brgy. Dulian. Bukod kay Tabuena, sugatan din ang mga miyembro ng barangay intelligence network at isang guro. Joy Cantos
Hepe ng CSU itinumba
Napaslang ang isang retiradong opisyal ng pulis makaraang ratratin ng di-pa kilalang lalaki sa harapan ng kanyang bahay sa Llemente Village sa Sitio Madang, Barangay Central sa Mati City, Davao Oriental kamakalawa. Ang biktimang hepe ng Civil Security Unit sa Mati City Hall ay nakilalang si ret. Chief Insp. Heminio Bagay. Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, pasado alas-8 ng umaga nang pagbabarilin ang biktima na pinaniniwalaang may kinalaman sa kanyang trabaho sa city hall. Joy Cantos
Chopper sa Bataan binasbasan
BALANGA CITY, Bataan – Dumating na kahapon sa Camp Tolentino PNP headquarterss ang helicopter na binili ng provincial government para panlaban sa illegal fishing at logging sa Bataan. Pinangunahan ni Bishop Socrates Villegas, ang pagbabasbas sa 4 seater helicopter Raven 2 RP-C5148 kasama sina Bataan Governor Enrique “Tet” Garcia, Balanga City Mayor Joet Garcia, Pilar Mayor Charlie Pizarro, iba pang mayor at ilang bokal. Sinabi ni Governor Garcia na ang halaga na nasabing helicopter ay umaabot sa P21.5 milyon na anya’y ito na ang pinakamura at pinakamabili sa buong mundo. Puwede ring gamitin ng ibang sektor ang nasabing helicopter na rerentahan ng P35,000 sa pamahalaang panlalawigan. Jonie Capalaran
- Latest
- Trending