Pamahiin, ugat ng trahedya sa Tagaytay?

TAGAYTAY CITY, Ca­vite – Hindi maiwasang ku­malat ang kuwento na ang isa raw sa naging dahilan ng trahedya sa Tagaytay na ikinasawi ng siyam-katao kamakalawa ay ang masamang pama­hiin na nagawa ng mga bik­tima.

Ayon sa isang matan­dang lalaki na ayaw ipa­bang­git ang kanyang pa­nga­lan, posibleng naaksi­dente ang mga biktima matapos idaan muli ang bangkay ng kanilang ka­anak sa kalsadang una na nilang dinaanan na siyang nagbigay ng kamalasan.

“Yung patay nila kasi galing na ng Barangay Ambulong sa Tanauan, Batangas tapos iniakyat ng Tagaytay City para duon sana iburol, kaya lang ‘di-pumayag ‘yung kamag-anak nila doon kaya ibi­naba uli sa Tanauan,” ku­wento ng matanda.

“Mukhang nagalit din ang patay kasi parang pinagpasa-pasahan siya ng kanyang mga kamag-anak kung saan ba talaga siya ihihimlay,” dagdag pa ng matanda.

Matatandaang lulan ng pampasaherong jeepney ang mga biktima nang ma­walan ng kontrol ang kani­lang sasakyan at nagtuluy-tuloy sa 300 metrong lalim na bangin sa Sitio Labac, Barangay Sungay, Tagay­tay City bandang ala-1:45 ng hapon.

Samantala, umaabot na sa kabuuang siyam na katao ang namatay habang naghahatid ng bangkay ng kanilang kaanak kamaka­lawa ng hapon.

Kinilala ni P/Supt. William Segun, Tagaytay police chief, ang mga nasa­wing biktima na sina Fidel Tizon, Christopher Tizon, Margarita Llave, Gerardo Dimayuga, Rosita Dima­yuga, Imelda Tizon at Eu­frocinia Malabanan na pawang mga residente ng Barangay Dapdap East, Tagaytay City.

Kahapon ng umaga, namatay naman habang ginagamot sa CP Reyes Hospital si Joy De Jesus dahil sa lubha ng kanyang sugat. Samantala, nakuha din kahapon ang bangkay ni Florencia Dimillio ng Carmona, Cavite na naipit sa ilalim ng sasakyan

Patuloy pa rin namang ginagamot ang 14 iba pa kabilang na ang drayber ng jeepney na si Bonifacio Ortilla sa Ospital ng Ta­gaytay at Estrella Hospital sa Silang, Cavite. (Dagdag ulat nina Cristina Timbang at Joy Cantos)

Show comments