Pamahiin, ugat ng trahedya sa Tagaytay?
TAGAYTAY CITY, Cavite – Hindi maiwasang kumalat ang kuwento na ang isa raw sa naging dahilan ng trahedya sa Tagaytay na ikinasawi ng siyam-katao kamakalawa ay ang masamang pamahiin na nagawa ng mga biktima.
Ayon sa isang matandang lalaki na ayaw ipabanggit ang kanyang pangalan, posibleng naaksidente ang mga biktima matapos idaan muli ang bangkay ng kanilang kaanak sa kalsadang una na nilang dinaanan na siyang nagbigay ng kamalasan.
“Yung patay nila kasi galing na ng Barangay Ambulong sa Tanauan, Batangas tapos iniakyat ng Tagaytay City para duon sana iburol, kaya lang ‘di-pumayag ‘yung kamag-anak nila doon kaya ibinaba uli sa Tanauan,” kuwento ng matanda.
“Mukhang nagalit din ang patay kasi parang pinagpasa-pasahan siya ng kanyang mga kamag-anak kung saan ba talaga siya ihihimlay,” dagdag pa ng matanda.
Matatandaang lulan ng pampasaherong jeepney ang mga biktima nang mawalan ng kontrol ang kanilang sasakyan at nagtuluy-tuloy sa 300 metrong lalim na bangin sa Sitio Labac, Barangay Sungay, Tagaytay City bandang ala-1:45 ng hapon.
Samantala, umaabot na sa kabuuang siyam na katao ang namatay habang naghahatid ng bangkay ng kanilang kaanak kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni P/Supt. William Segun, Tagaytay police chief, ang mga nasawing biktima na sina Fidel Tizon, Christopher Tizon, Margarita Llave, Gerardo Dimayuga, Rosita Dimayuga, Imelda Tizon at Eufrocinia Malabanan na pawang mga residente ng Barangay Dapdap East, Tagaytay City.
Kahapon ng umaga, namatay naman habang ginagamot sa CP Reyes Hospital si Joy De Jesus dahil sa lubha ng kanyang sugat. Samantala, nakuha din kahapon ang bangkay ni Florencia Dimillio ng Carmona, Cavite na naipit sa ilalim ng sasakyan
Patuloy pa rin namang ginagamot ang 14 iba pa kabilang na ang drayber ng jeepney na si Bonifacio Ortilla sa Ospital ng Tagaytay at Estrella Hospital sa Silang, Cavite. (Dagdag ulat nina Cristina Timbang at Joy Cantos)
- Latest
- Trending