Dalawang batang babae ang nabiktima ng karumal-dumal na krimen sa magkahiwalay na lugar sa Bicol nang pagsamantalahan at paslangin sila ng mga salarin.
Kahapon ng umaga, sa Camalig, Albay, natagpuan ang bangkay ng isang 11-anyos na batang babae sa hangganan ng mga barangay ng Binitayan at Taladong dito kahapon ng umaga.
Nakilala ang biktimang si Esperanza Nario, isang may sakit na epilepsy at residente ng Purok 4, Barangay Binitayan.
Gayunman, ang isang suspek na kaagad naman na hinuli ng mga awtoridad base sa pahayag ng isang saksi ay kinilalang si Lorenzo Nebria 22, binata, jobless at residente ng Barangay Gapo ng nabanggit na bayan.
Ayon kay SPO1 Armando Rebali, ang bangkay ng biktima ay natagpuan dakong alas-8:00 ng umaga ng mga barangay official at ng mga kamag-anak nito. Hubo’t hubad ang biktima na ang bibig ay pinasakan ng panty at ang bangkay ay natatakpan ng mga dahon ng saging.
Nabatid na, noong Lunes ng umaga, nagpaalam sa kanyang ina ang biktima para mamulot sa labas ng mga bunga ng pili pero hindi na siya nakauwi mula noon.
Sa isinagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, umamin ang suspek sa krimen.
Napag-alaman pa na ang suspek ay halos may apat na buwang tumira sa bahay ng isang testigo sa krimen na nakunsensiya kaya nagsumbong sa mga awtoridad.
Samantala, karumaldumal na kamatayan din ang sinapit ng isa pang siyam na taong gulang na batang babae na hininalang ginahasa muna bago pinatay at itinago ang bangkay nito sa loob ng poso negro sa isang bakanteng bahay na natagpuan kahapon ng umaga sa Barangay Abad, Ragay, Camarines Sur.
Nakilala ang biktima na si Mary Rose Buban, isang grade 3 pupil at residente ng naturang lugar.
Batay sa ulat ng pulisya, ang bangkay ng biktima ay natagpuan dakong alas- 7:45 ng umaga matapos na makaamoy ng masangsang ang mga residente sa lugar at nang tingnan ng mga ito ang pinanggagalingan ay laking gulat na lamang nang makita ang naaagnas na bangkay ng bata.
Sinabi ng ina ni Mary Rose na si Marilyn na nawawala noon pang Octubre 17 ang kanyang anak matapos utusang bumili ng sabong panglaba sa kalapit na tindahan. (Ed Casulla)