CAVITE – Rehas na bakal ang binagsakan ng isang propesor ng De La Salle na nag-alok ng sex sa isang 17-anyos na estudyanteng babae makaraang masakote ng pulisya sa entrapment operation sa Aguinaldo Highway sa Barangay Salitran 2, Dasmariñas, Cavite kahapon.
Kinilala ni P/Senior Supt. Hernando Zafra, Cavite police director, ang suspek na si Arnel Sanchez, propesor ng La Salle-Dasmariñas sa Cavite at residente ng Summerwind Ville sa nabanggit na bayan.
Ayon sa police report, niyaya ni Sanchez ang biktimang itinago sa pangalang “Joy” para magtalik upang makapasa sa kanyang kurso.
Sa salaysay ni Joy, nagbanta pa si Sanchez na ibabagsak siya kapag tumanggi itong makipag-sex kaya kaagad nitong ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Mabilis na nagsagawa ng entrapment operation ang Cavite provincial police office laban kay Sanchez at naaresto ito habang nasa loob ng kanyang Toyota van (REF 463) kasama ang biktima.
Lumitaw rin sa imbestigasyon na matagal ng isinama ng suspek ang estudayante para pumasok sa motel pero umatras lang ito matapos manghinayang gumastos sa pambayad ng check-in.
Mariin namang itinanggi ni Sanchez ang akusasyon ng biktima. Cristina Timbang at Arnell Ozaeta