LEGAZPI CITY, Albay — Brutal na kamatayan ang sinapit ng isang 23-anyos na dalaga makaraang halayin ay ginilitan pa ng ‘di-kilalang lalaki sa bahagi ng niyugan sa Sitio Tambaga, Barangay San Rafael sa bayan ng Jose Panganiban, Camarines Norte kamakalawa. Bandang alas-7:50 ng gabi nang matagpuan ng mga opisyal ng barangay ang duguang katawan ni Linda Rampas. Ayon sa police report, huling namataang buhay ang biktima bandang alas-5 ng hapon habang naliligo sa batis may ilang metro lamang ang layo sa kabahayan. May teorya ang mga imbestigador na nakilala ng biktima ang suspek kaya pinatahimik. Ed Casulla
Rapist nagbigti sa selda
Pinaniniwalaang inusig ng budhi ang isang 36-anyos na ama na inireklamo ng panghahalay ng sariling anak na babae kaya nagbigti sa loob ng selda sa bayan ng Ternate, Cavite noong Martes ng hapon. Kinilala ng pulisya ang nag-suicide na preso na si Rolly Casilagan na natagpuang nakabigti sa detention cell ng Ternate municipal jail bandang alas-5 ng hapon. Batay sa report sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang suspek ay inaresto dakong ala-una ng hapon matapos itong ireklamo ng panggagahasa ng kanyang 15-anyos na anak. Maliban sa kasong rape ay nahaharap din si Casilagan sa isa pang kaso ng frustrated homicide. Wala namang nakitang indikasyon ang mga forensic experts na may foul play sa pagkamatay ni Casilagan. Joy Cantos
2 ‘holdaper’ kalaboso
RIZAL – Arestado ang dalawang kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng holdap gang makaraang maaktuhan sa pot session sa isinagawang follow-up operation ng pulisya kamakalawa sa Barangay Malanday sa bayan ng San Mateo, Rizal. Kinilala ni P/Supt. Ronaldo Mendoza, hepe ng San Mateo PNP, ang mga suspek na sina Kenneth Reyes ng # 824 J. P. Rizal Street, Brgy. Nangka, Marikina City at isang Alyas Bandong ng Maria Crisanta Subd, Brgy. Malanday, San Mateo, Rizal. Base sa police report, nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya makaraang magreklamo ang biktimang si Danilo Bugni laban sa dalawang suspek. Gayon pa man, naaresto ang mga suspek matapos maaktuhang humihithit ng pinatuyong dahon ng marijuana sa bahagi ng Maria Crisanta Subd. Edwin Balasa
‘Rapist’ ng 3 anak, tiklo
BULACAN – Rehas na bakal ang binagsakan ng isang 47-anyos na karpinterong ama makaraang arestuhin ng pulisya sa kasong panghahalay sa kanyang tatlong anak na babae sa Brgy. Santa Elena, Hagonoy, Bulacan noong Linggo ng Oktubre 12. Pormal na kinasuhan ni P/Supt. Myrna Reyes, ang suspek na si Danilo Ragasa y Gueze. Base sa police report, magkakasunod ng hinalay ng suspek ang tatlong anak na may edad na 12, 16 at 21-anyos at pinagbantaang papatayin ang kanilang ina kapag ipinagbigay-alam sa mga awtoridad ang insidente. Napag-alamang naglakas-loob ang mga biktima na ipaabot sa kinauukulan ang insidente kaya naaresto ang suspek. Dino Balabo at Boy Cruz